Chain Letter
Usong-uso pa rin ang chain letter. Sumasabay sa agos ng technology. Sabagay, makakamura ka na ngayon kasi via e-mail na lng. mas makarami ka pa ng padadalhan. Maliban sa e-mail, pwede ka na rin mag forward sa pamamagitan ng friendster. Dati, kailangan mo pang bumili ng selyo at maghahanap ng padadalhan. Pwede ka maghanap ng biktima sa mga pen pal section ng mga komiks. Ang importante may mapag-padalhan ka.
Grade 5 ata ako nun ng may matanggap akong chain letter. 1st paragraph in 4 lines was a prayer to Mary. Sumunod ay mga talatang nanakot at nagkukwento ng mga "kamalasan" sa mga hindi sumusunod sa iniuutos ng sulat at "kaswertehan" naman ng mga sumunod.
Nakakatakot. Sa murang gulang ko, nauunawaan ko yung nakasulat. Kailangan gumawa daw ng dalawampu’t apat na kopya at kailangang maibahagi kaagad sa loob ng pitong araw. Mahirap. Mabagal ako sumulat at iilan lng ang alam kong pwedeng pagbigyan na pwede ring makapagsulat ng ganun kabilis sa loob ng isang linggo.
Wala ka nang magagawa pa daw, dahil natanggap at nabasa mo yung sulat ng kabuuan. Sa pangalawang araw, napag-isip-isip ko. Ano ba ang mahalagang laman ng sulat na ‘yon at ganun na lng kahalaga ang maipasa sa iba?
Maliban sa unang talata, puro kwento ng pananakot na yung mga sumunod. Napag-isip-isip ko na ang kwento ay wala namang magagawang masama siguro sa ‘yo. Kwento lng yun ng mga pangyayari. Malabong magpadala ka ng kwento ng "kamalasan" at maisasama mo dun ang "kamalasan" mismo.
Sa unang talata, panalangin lamang ang laman at wala namang laman ng pananakot. Naging malinaw sa akin, na hindi nakakatakot ang laman ng sulat at hindi ito dapat katatakutan. Meron akong pagsaalang-alang sa kung ano ang gagawin sa papel na hawak-hawak ko.
Pag recess sa school, nagtatago sa likod ng puno na nakaharap sa bangin upang hindi ako makita ng mga kaklase ko. Sa loob ng kalahating oras, umaawit ako ng papuri sa Diyos at kumakausap sa Panginoon. Malinaw sa akin na mahal ako ng Diyos. Mahal niya ako at walang mangyayari sa buhay ko na hindi niya pinahihintulutan. (Oo nga pala, hindi po ako relihiyoso ha, mahal ko lng ang Panginoon ^^)
Pagkatapos ng klase, kinukulit at tinatakot na ako ng mga classmate ko, kasi hindi pa ako nagsisimula at halos lahat dun may kopya na ng sulat. Wala na akong mapagbigyan at baka di ko pa matapos yung dalawampu’t apat na kopya sa loob ng pitong araw.
Malakas ang tiwala ko na nasa panig ko ang Panginoon. Kaya pinunit ko sa harap nila ang sulat at ipinaliwanag ko na hindi ako natatakot dahil ang Diyos ang may hawak ng buhay ko.
Nagulat sila at parang natakot. Nagsumbong sila sa teacher namin, na sa hanggang ngayon at di ko maunawaan kung bakit gumawa din ng sulat na yun. Pinagalitan ako ng teacher namin at sinabihan na kung hindi man ako naniniwala sa laman ng sulat, dapat ibinalik ko na lng sa nagbigay o itinapon ko na lng. Pero sobrang mali daw na pinunit ko yun at sa harap pa ng maraming estudyante. Halos natakot silang lahat sa maaring mangyari sa akin.
Lumipas ang anim na araw, walang nangyari sa akin. Sabi ng iba, baka pagkatapos pa ng anim na linggo. Sabi naman ng iba, baka anim na buwan.
Pero lumipas kahit na ang anim na taon. Walang masamang nangyari sa buhay ko na maaring naging dulot ng pagpunit ko ng sulat na yon. Lalo itong nagpatibay ng aking pananampalataya na buhay ang Diyos, nakikinig at aktibong kasali sa mga mga pangyayari sa buhay ng mga anak niya.
Si Daniel at ang dalawang kaibigan niya, hindi yumuko sa mga nililok na diyos. Hindi siya natakot. Nang sinabihan siya ng hari na ang parusa ay ang pagsunog sa kanila, sinabi niyang hindi hahayaan ng Diyos niya na mangyari yun. At kahit hahayaan man daw, hindi pa rin daw siya yuyoko sa mga imahen na gawa ng tao.
Nagalit ang hari at pina-init ang apoy ng apat na beses bago pinapasok sila Daniel para masunog. Nagulat ang lahat dahil naging apat ang tao sa loob ng furnace at yung isa ay kamukha ng Anak ng Tao.
Sa pag pasok ng taong 2008, nawa’y makilala natin ng lubusan kung sino ang ating sinasamba. Kung siya ba yung Diyos na buhay at may kakayahan tayong iligtas, ilawan ang buhay natin at linisin tayo sa ating pagkakasala, o yung mga nililok na dios-diosan na hindi nakakakita o naririnig. Dios-diosan na nililinisan natin at iniilawan sa ating mga altar.
Mahalaga pong makilala natin kung kanino natin iniaalay ang ating pagsamba. Nawa’y maikalat natin sa buong mundo ang pag-ibig ng tunay na Diyos at ang kaligtasang inalay niya sa doon krus ng Kalbaryo, mahigit dalawang libong taon na ang nakakaraan.
Maligayang pagsalubong po sa bagong taon at sa bagong pag-asa na makilala ang tunay na Diyos.
